Hindi ko maiwasan ang mapabuntunghininga kapag nakatitig ako
sa telebisyon at pinanonood ang paboritong palabas ng aking mga kasambahay. May
pagkakataon na ibig kong umiyak pero kinakagat ko na lang ang aking labi upang
mapigil ang nagbabantang luhang ibig sumungaw sa aking mga mata. Masakit kasi
para sa akin na hanggang ngayon ay hindi ko pa nagagawang tuparin ang pangarap
ko – ang makapagsulat sa telebisyon at pelikula.
Marami na akong scriptwriting workshop na nasalihan pero
tila hindi pa sapat ang karanasan kong iyon para maibahagi sa manonood ang
aking kakayahan. Ewan ko tuloy kung malas ako o sadyang hindi pa dumarating ang
tamang panahon para sa akin. Gayunman, masasabi kong kahit naman papaano ay
nagagamit ko ang kakayahang ito dahil nagagawa ko rin namang makapagsulat ng
prosa. Sa Precious Hearts Romance pocketbooks ay naka labingtatlong nobela ako
at sa Bulgar naman ay marami na rin akong istoryang nagawa. Sa loob ng tatlo at
kalahating taong pamamalagi ko sa Bulgar nakagawa na ako ng mahigit isang daang
horror stories at labing limang nobela ng pag-ibig.
Para sa mga nangangarap maging manunulat, malaki na ang
naihakbang ko. Ngunit para sa akin, hindi pa rin ito sapat dahil hindi naman
ito lang ang aking pinapangarap. Marahil nga, ambisyosa ako pero ang
makapagsulat talaga sa telebisyon at pelikula ang aking hinahangad. Hindi
importante sa akin kung gaano kalaki ang talent fee ko, ang importante sa akin
ay maibahagi sa lahat ang mga ideya na nasa puso’t isipan ko.
Kung minsan, hindi ko maiwasan ang matawa kapag nakakapanood
ako ng telenovela o pelikula. Marami kasing loopholes akong nakikita at dapat
iyon mabigyan ng kasagutan. Gayunman, kahit marami akong pintas na nakikita,
nakakaramdam pa rin ako ng pait. Paano, kahit hindi pasado sa standard ko ang
palabas na aking pinapanood, ang manunulat pa rin ng programang iyon ang
nakakaangat sa akin.
Ibig kong makapasok sa industriya ng telebisyon at pelikula
dahil alam kong malaki ang maitutulong ko para magkaroon ng magagandang
palabas. Hindi ko sinasabi ang mga katagang ito dahil mayabang ako, sinasabi ko
lang na malawak ang aking imahinasyon. Katunayan, nakagawa na rin ako ng story
concept ng cartoon series sa UAE dalawang taon na ang nakalilipas.
Mataas ang ambisyon ko pagdating sa pagsusulat kaya nakakasiguro
akong magagawa ko ang responsibilidad na kailangan ng isang mabuti at magaling
na manunulat. Handa rin akong makinig sa suhestiyon ng mga kasamahan ko sa
trabaho. Ngunit, kung alam kong tama at makabubuti ang ideyang kinokontra sa
akin, magagawa ko itong ipaglaban. Sa
palagay ko naman ay ganoon ang isang manunulat, hindi ba?
Marami akong ideya na nakakulong lang sa aking isipan kaya
gusto ko sana
itong mailabas upang marami ang masiyahan. Sana nga lang ay maging simula ito para
matupad ang aking minimithi.
Kapag ako ay naging manunulat sa telebisyon at pelikula,
buong puso kong iaalay rito ang lahat ng aking galing at imahinasyon. Sa aking
sinusulat. Bawat katagang sasabihin sa akin ng facilitator ko ay lagi kong
tatandaan at isasapuso. .