Linggo, Abril 1, 2012

Ako, bilang Manunulat


Hindi ko maiwasan ang mapabuntunghininga kapag nakatitig ako sa telebisyon at pinanonood ang paboritong palabas ng aking mga kasambahay. May pagkakataon na ibig kong umiyak pero kinakagat ko na lang ang aking labi upang mapigil ang nagbabantang luhang ibig sumungaw sa aking mga mata. Masakit kasi para sa akin na hanggang ngayon ay hindi ko pa nagagawang tuparin ang pangarap ko – ang makapagsulat sa telebisyon at pelikula.
Marami na akong scriptwriting workshop na nasalihan pero tila hindi pa sapat ang karanasan kong iyon para maibahagi sa manonood ang aking kakayahan. Ewan ko tuloy kung malas ako o sadyang hindi pa dumarating ang tamang panahon para sa akin. Gayunman, masasabi kong kahit naman papaano ay nagagamit ko ang kakayahang ito dahil nagagawa ko rin namang makapagsulat ng prosa. Sa Precious Hearts Romance pocketbooks ay naka labingtatlong nobela ako at sa Bulgar naman ay marami na rin akong istoryang nagawa. Sa loob ng tatlo at kalahating taong pamamalagi ko sa Bulgar nakagawa na ako ng mahigit isang daang horror stories at labing limang nobela ng pag-ibig.
Para sa mga nangangarap maging manunulat, malaki na ang naihakbang ko. Ngunit para sa akin, hindi pa rin ito sapat dahil hindi naman ito lang ang aking pinapangarap. Marahil nga, ambisyosa ako pero ang makapagsulat talaga sa telebisyon at pelikula ang aking hinahangad. Hindi importante sa akin kung gaano kalaki ang talent fee ko, ang importante sa akin ay maibahagi sa lahat ang mga ideya na nasa puso’t isipan ko.  
Kung minsan, hindi ko maiwasan ang matawa kapag nakakapanood ako ng telenovela o pelikula. Marami kasing loopholes akong nakikita at dapat iyon mabigyan ng kasagutan. Gayunman, kahit marami akong pintas na nakikita, nakakaramdam pa rin ako ng pait. Paano, kahit hindi pasado sa standard ko ang palabas na aking pinapanood, ang manunulat pa rin ng programang iyon ang nakakaangat sa akin.
Ibig kong makapasok sa industriya ng telebisyon at pelikula dahil alam kong malaki ang maitutulong ko para magkaroon ng magagandang palabas. Hindi ko sinasabi ang mga katagang ito dahil mayabang ako, sinasabi ko lang na malawak ang aking imahinasyon. Katunayan, nakagawa na rin ako ng story concept ng cartoon series sa UAE dalawang taon na ang nakalilipas.
Mataas ang ambisyon ko pagdating sa pagsusulat kaya nakakasiguro akong magagawa ko ang responsibilidad na kailangan ng isang mabuti at magaling na manunulat. Handa rin akong makinig sa suhestiyon ng mga kasamahan ko sa trabaho. Ngunit, kung alam kong tama at makabubuti ang ideyang kinokontra sa akin, magagawa ko itong ipaglaban.  Sa palagay ko naman ay ganoon ang isang manunulat, hindi ba?
Marami akong ideya na nakakulong lang sa aking isipan kaya gusto ko sana itong mailabas upang marami ang masiyahan. Sana nga lang ay maging simula ito para matupad ang aking minimithi.
Kapag ako ay naging manunulat sa telebisyon at pelikula, buong puso kong iaalay rito ang lahat ng aking galing at imahinasyon. Sa aking sinusulat. Bawat katagang sasabihin sa akin ng facilitator ko ay lagi kong tatandaan at isasapuso. .